Friday, February 4, 2011

4 IN 1 NA TABLOID (DYARYO, KOMIKS, POCKETBOOK AT MAGASIN)

FOUR in one na tabloid maituturing ang bagong labas na tabloid na ito--ang Pinoy Patrol (Ulat sa Bayan). Bakit? Dahil kumpleto rekado ang nilalaman ng tabloid na ito, na pinagsama-sama dito ang mga pangunahing babasahing Pinoy sa ating bansa--ang diyaryo, komiks, pocket book at magasin. Sa diyaryo, nandito ang mga ihahatid naming mga pangunahing balita sa inyo na may kinalaman sa mga nangyayari sa ating lipunan, kolum ng mga batikan at bagitong mamamaha– yag na magbubunyag ng mga katiwalian sa ating pamahalaan, iba't ibang uri ng public service, sports at siyempre, ang mga pahinang panglibangan. Sa komiks, inilaan namin sa inyo ang isang pahina at pinagsama-sama rito ang love, action, comedy at $ex stories.


Sa pocket book, mga nobelang pang love and $ex stories din ang inilaan namin sa inyo. Sa magasin, siyempre, ang mga nakakaintrigang pang-showbiz na balita, kasama na ang seksing larawan ng iba't ibang artista at celebrities. Malinaw, 4 in 1 ang bagong tabloid na ito kaya't sulit na sulit ang inyong P10 sa pagbili sa pahayagang ito. Sana, suportahan n'yo ang bagong pahaya– gang ito na araw-araw ilalathala maliban kung Sabado at Linggo. At umasa kayo, ang pahayagang ito ay mag– sisilbi bilang tagapag-ulat sa bayan sa lahat ng mga kaganapan sa ating lipunan, at wala kaming sasantuhin kahit sino pa ang "tamaan," bilang pagtanaw ng utang na loob sa gagawin n'yong pagsuporta sa tabloid na ito. Sama-sama po tayo sa laban...sa laban ng Pinoy Patrol...ulat sa bayan.

KAPAG IBENENTA ANG CAMP AGUINALDO AT CAMP CRAME... KUDETA!

 GOOD day po sa inyong lahat at sana, tangkilikin n'yo ang bagong pahayagang ito--ang PINOY PATROL (Ulat sa Bayan). Ngayon po ang unang labas nito, at titiyakin namin sa inyo na maghahatid ng mga importante at napapanahong isyu ang kolum na ito, pati na ang ibang nilalaman ng pahayagang ito. Muli po, good day sa inyong lahat !

***
PARANG walang ipinagkaiba ang adminis–trasyon nuon ni dating Pangulong Cory Aquino sa administrasyon ngayon ng kanyang anak na si Pangulong Benigno "Noynoy-P-Noy" Aquino III. PULOS trahedya! Nuong panahon ni Presidente Cory, sunudsunod ang mga kalamidad. Sa panahon naman ngayon ni Presidente PNoy, hindi lang basta kalamidad ang umaatake sa ating bansa, kundi pati masaker na gawain ng mga sira-ulong parak tulad ni Manila police Capt. Rolando Mendoza na pumatay ng mga dayuhang Intsik, mga teroristang nagpapasabog ng mga bus at sabay-sabay na pagkahulog sa gusali sa Makati City ng mga manggagawang Pinoy. Parang ISINUMPA ang administrasyon ng mag-inang Aquino.

***
SA mga kamalasang inaabot ng gobyerno ni P-Noy, may importanteng panalangin na dapat gawin si Noynoy at ito ay huwag siyang matulad sa kanyang ina na nakaranas nang sunud-sunod na KUDETA mula sa mga rebeldeng sundalo. Hindi dapat pakatiwala si Noynoy na nasa likod niya lagi ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP). Subukan niyang ibenta ang CAMP AGUINALDO at CAMP CRAME sa mga kadugo niyang Chinese, kung hindi siya makaranas ng kudeta.

***
NUONG panahon ng kampanya, sa kanyang mga ads sa telebisyon at sa kanyang mga caucus, bukambibig ni Vice Presidente Jejomar Binay na libre daw ang ospital, pag-aaral at pati cake ng mga senior citizen na magbi-birthday ay gagawin niya, iboto lang siyang Bise Presidente. Nagawa daw niya ito sa Makati City, kaya't kaya daw niyang gawin ito sa buong bansa. Ngayon, Vice President na si Binay, lahat nang PANGAKO niya ay NAPAKO! At patunay diyan na karamihan sa mga nabuhay na biktima sa bus bombing sa Makati City ay namumroblema na ngayon, kung saan kukuha ng pambayad sa napakalaking HOSPITAL BILLS nila sa Makati Medical Center.

MGA 'UNTOUCHABLE' NG SJDMB, DI MATINAG NG MWSS









        Magandang araw po sa inyong lahat! ang Pinoy Patrol Ulat Sa Bayan ay pinagsikapan naming mailabas upang makapaghatid sa inyo ng makatuturan at responsableng Balita. Nawa’y pumasa sa inyong panlasa ang mga artikulo sa pahayagang ito. Maligayang pagbabasa sa inyong lahat!

***
        Noong Abril 2010 ay inanyayahan ni G. Diosdado Jose M. Allado tagapangasiwa ng MWSS ang lahat na pamilya na iligal na nanirahan sa ibabaw ng lupaing inilaan para daluyan ng tubig (aqueduct right of way). Tinalakay ang pagpapalikas ng MWSS sa mga nag-squat sa naturang tunnel upang maisakatuparan ang proyekto na mailatag ang ika-6 na AQUEDUCT. Marami ang tumugon at ang iba ay binayaran upang lumikas. Nakapagtataka na hanggang ngayon ay nanatili pa ring nakatindig ang mga istraktura ng mga tinaguriang ‘ The Untouchables’ na sina Mario Malubay, may-ari ng Don Patrick Auto Supply na tone-toneladang ‘spare parts’ ng sasakyan ang ibinobodega sa ibabaw mismo ng MWSS Tunnel na matatagpuan sa Gumaok East,San Jose Del Monte City, Bulacan.

        Naroon din sa ibabaw ng tunnel ang ‘Iligal Terminal’ ng Elena Bus Transit na umano’y pag-aari ni Lito Chan. Iligal ding gumagarahe duon ang mga tinaguriang ‘killer bus’ ng Gasat at Valisno Transit. Nakatayo pa rin sa ibabaw ng tunnel ang istraktura ng Rosales Auto Supply na pag-aari ng ‘untouchable’ na si Bochok Rosales, bukod pa rito ang mga paupahang pwesto ni ‘Bochok’ tulad ng Groto Drugs at Bicycle and Motor Parts and Auto Supply. 
         Batay sa ‘occular inspection’ na isinagawa noon ni Engr. Pol Quinones ng MWSS Engineering, malaki ang posibilidad na sa kinalalagyan ng Don Patrick Auto Supply at Iligal Bus terminal ay posibleng magkaroon ng ‘water contamination’ dahilan sa poso negro nito at pagtagas ng krudo at langis. 
 
****
     Ang inyong lingkod ay makikipagugnayan sa MWSS, DPWH, DENR, LTFRB, SJDMB Mayor Rey San Pedro at Cong. Arthur Robes upang mapa-imbestigahan kung bakit hanggang ngayon ay di matinag sina Mario Malubay, Bochok Rosales at Lito Chan . Aming aalamin kung may katotohanan ang balitang PINAGKAKAPERAHAN ang MWSS RIGHT OF WAY sa nasabing lugar. ABANGAN!

****
     Kung kayo ay may nalalamang mga anomalya o pang-aabuso na ginagawa ng mga opisyales, tauhan ng pamahalaan at pribadong tao, maari kayong mag text sa 09277453779 o kaya’y mag-email sa balasador@yahoo.com

Thursday, February 3, 2011

12 TODAS SA SUNOG!

LABINGDALAWANG katao na ang kumpirmadong nasawi sa naganap na sunog kamakalawa ng gabi sa Brgy. San Roque, Navotas City. Ang mga biktima ay sina Arvy Agarin, 6 months; Justin Agarin, 3 taon; Jennifer Agarin at William Agarin, Joros Salonga, 12; Natalie Salonga, 11; Angela Salonga, 10; Gerald Blancaflor, Carlito Blancaflor, Eric Tambor, George Milagrosa at Remedos Ortillana. 

Sa ulat naman ni Fire Officer 3 Domingo Gastilo, tinatayang mahigit 200 pamilya ang apektado ng naturang sunog at tinatayang umaabot sa P5 milyon ang halaga ng mga natupok na kabahayan at kagamitan.

Ginawang pansamantalang evacuation center para sa mga nasunugan ang San Roque National High School at sa simbahan ng barangay ang mga apektadong pamilya. Batay naman sa impormasyon mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA),pasado alas-11:00 ng gabi nang sumiklab ang sunog at naapula lamang ito dakong alas-2:00 ng madaling araw. Iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog. (PP NEWS TEAM)

PNP HANDA NA VS. TERORISTA SA CHINESE NEW YEAR

HANDA na umano ang Philippine National Police (PNP) sa seguridad para sa nalalapit na pagsalubong
sa Chinese New Year na magsisimula sa Pebrero 3, upang mahadlangan kung may plano man ang mga
terorista na guluhin ito. Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Nicanor Bartolome, magde-deploy ng tauhan ang pulisya sa mga lugar na pagdadarausan ng selebrasyon ng mga Chinese at Filipino-Chinese sa buong bansa.

Ayon kay Bartolome, sa Luneta Park gagawin ang selebrasyon ng mga Chinese sa Maynila hindi gaya noong nakaraang taon kung saan sa bahagi ng Binondo isinagawa ang aktibidad sa pagsalubong ng kanilang Year of the Rabbit. Inihayag pa ng opisyal, maihahambing sa piyesta ng itim na Nazareno ang dami ng taong inaasahang makikiisa sa selebrasyon.

Katrina, Ginanahan Daw Kay Hayden (Anong Pakiramdam Mo Dra. Belo?)

KAHIT ibinasura ang kaniyang kaso laban kay Hayden Kho Jr., nobyo ni Dra. Vicky Belo, wala umanong pagsisisi ang sexy actress na si Katrina Halili kung bakit pa siya nagsampa ng kaso at sa halip ay sinabi nitong ginanahan pa siya sa kanyang laban makamit lamang ang katarungan
Aniya, alam niyang nasa tama siya kaya hindi siya nagsisisi. Mas mali aniya kung nanahimik siya sa ginawa ni Hayden Kho na pagkuha ng video sa ka-nilang pag-tatalik. Samantala, naiintindihan din umano ni Katrina kung piniling manahimik ng iba pang babae na umano'y naka-sama rin ni Hayden sa sex video. Aniya, hindi naman lahat ng babae ay kasing tapang umano niya. Nang tinanong kung iniiyakan pa rin niya ang kinahantungan ng kaso na ibinasura dahil sa kakulangan ng ebidensiya, inihayag ni Katrina na hindi na siya umi-iyak.
(Pinoy Patrol News Team)

6 PEKENG MADRE, ARESTADO SA AIRPORT

ANIM na kababaihan ang pinigil at idinetine sa Manila airport matapos mabistong nagpapanggap lamang bilang mga madre para makapuslit ng Lebanon. Sinabi ni Airport Immigration Officer Joel Valencia, nagpanggap ang anim bilang mga madre at bibiyaheng Hong Kong para dumalo umano sa religious seminar.

Ayon kay Valencia, naghinala lamang ang mga immigration officials nang mapansin ang kakaibang kasuotan at kilos ng anim na pekeng madre, na pansamantalang hindi ibinunyag ang mga pangalan habang iniimbestigahan kung sino ang kanilang recruiter.

Sa imbestigasyon, umamin ang anim na papunta sila sa Lebanon para magtrabaho bilang domestic helpers. Inaalam na ngayon ng mga awtoridad ang lalaking illegal na nagrecruit sa anim. Magugunitang simula noong 2007, ipinatutupad na ang deployment ban sa Lebanon dahil sa kaguluhan doon at kulang na legal protection para sa mga manggagawa sa nasabing bansa.

PAG-ASA, NAGBABALA... BAHA AT LANDSLIDE SA VISAYAS AT MINDANAO

PATULOY umanong makakaapekto ang tinatawag na wind convergence na magdadala ng maulap na kalangitan at kalat na kalat na malalakas na pagbuhos ng ulan at pagkidlat sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao na posibleng humantong sa pagbaha at mga landslides sa mga apektadong munisipalidad.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (Pagasa), ang mga makakaranas ng wind convergence ay mga lalawigan na sakop ng Eastern Visayas region at Eastern Mindanao. Dahil dito, muling nagbabala ang Pagasa sa mga mangingisda mula sa Luzon, Visayas at Eastern Mindanao na huwag papalaot sa karagatan dahil sa inasahang malalakas na alon dala ng gale force ng northeasterly winds. (PP NEWS TEAM)

AFP GENERAL NI P-NOY, IPINAGTANGGOL ANG MGA AFP GENERALS NI GMA

IPINAGTANGGOL ni Brig. Gen. Jose Mabanta, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa panahon ngayon ng gobyerno ni Pangulong Benigno Aquino III ang tatlong naging dating AFP Chief of Staff nuong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, sa pagsasabing huwag muna silang husgahan.

Ito ay may kaugnayan sa naging expose ni dating Lt. Col. George Rabusa na pagtanggap umano ng milyong pisong pabaon ng mga nagreretirong AFP chief of staff, na sinasabing matagal na umanong kalakaran sa loob ng AFP. Ayon kay Gen. Mabanta, sa ngayon umano ang lahat ay pawang akusasyon pa lamang kaya't hindi marapat na husgahan ng taumbayan ang mga dating pinuno ng AFP. Sina dating AFP chief of staff at retired Generals Angelo Reyes, Roy Cimatu, at Diomedio Villanueva ang ilan lamang sa nakatakdang imbestigahan ng Department of National Defense (DND)-Special Task Force tungkol sa mga expose ni Rabusa.

Miss Public Service

 Kung may mga problema kayo na nais maiparating sa pamahalaan at sa mga pribadong sektor upang maaksyunan agad ng mga kinauukulan, puwede kayong lumiham sa aming tanggapan sa Unit 27, 8th Flr., Tower B, Victoria Towers, 78 Panay Avenue corner Timog Avenue, Quezon City/Mag-text sa 09493258103 o kaya ay mag-email sa misspublics@yahoo.com

***

MISS PUBLIC SERVICE, ako po ay isa sa mga kawani ng Facilities Manager Incorporated. Ang problema po namin dito ay iyong mga loan namin sa Social Security System (SSS) ay sa management ng aming kumpanya bumabagsak, ang problema, ang tagal bago nila i-release sa amin, at ang duda namin ay idinideposito pa nila ito sa kanilang account para tumubo. Tama po ba iyan ?--Mr. Capricorn HINDI tama iyan, kaya't tayo'y nananawagan kay SSS President Emilio de Quiros na paimbestigahan niya ang alingasngas na ito sa Facilities Manager Incorporated--MISS PUBLIC SERVICE

***
MISS PUBLIC SERVICE, sana po ay maiparating n'yo sa kinauukulan na masyadong bumagal na ang releasing ng mga pensyon namin sa Government Service Insurance Corporation (GSIS)--Retired public teacher GANUN po ba, sige at tatawagan agad natin nang pansin ang mga opisyal ng GSIS kung bakit bumagal ang kanilang pagse-serbisyo publiko --MISS PUBLIC SERVICE

***
MISS PUBLIC SERVICE, nabalitaan namin na bawal na ang lunch break sa mga tanggapan ng pamahalaan, kasama po ba dito ang mga tauhan ng barangay hall? BASTA nagtatrabaho sa lahat ng sangay ng pamahalaan ay ipinagbabawal ang lunch break. Puwede n'yo silang ireklamo sa tanggapan ni Chairman Francisco Duque ng Civil Service Commission (CSC).  --MISS PUBLIC SERVICE